JaY-r’S dArK eXpErIeNcE
Thursday, April 27th, 2006-
Isang umaga habang ako’y nakatambay sa harapan ng aming bahay sa probinsiya, nakita ko ang dalawa kong kapitbahay na mukhang may lakad. Tinawag nila ako at sinabing sumama daw ako sa kanila papunta sa tabing dagat. Mas matanda sa akin ng isa at dalawang taon ang mga kaibigan kong ito. Dumaan muna kami ng tindahan at bumili ng dalawang kaha ng sigarilyong Hope. Habang kami ay naglalakad, naabutan namin ang isang kakilala namin na papunta rin ng dagat at sumabay na siya sa amin habang naglalakad. Mga apat na taon naman ang agwat sa akin nito.
Nang nasa tabing dagat na kami, patuloy pa rin ang paglalakad namin. Ako’y nagtaka at tinanong ko kung saan talaga ang punta, ang sagot nila “Magpapatuli kami kay Mang Henry, basta samahan mo lang kami”. Si Mang Henry ang sikat na manunuli sa isang sitio sa amin. Ayun na nga, malapit-lapit na kami sa bahay ni Mang Henry, nakita namin na hinahasa niya ang kanyang labaha.
“Andito na pala kayo”, bungad aniya. “Pitas muna kayo ng bubot na dahon ng bayabas at inyong nguyain”, dagdag pa niya. Sumunod naman ang tatlo habang ako’y nakaupo sa isang bato.
Tinawag na kung sino ang mauuna, “Si Kadyawer na lang ho kasi siya pinakamatanda sa amin”, sabay sagot ng dalawa kung kasama. Puwesto na ang tinawag at inayos na kung saan ang tatapyasin. Ipwinesto ang labaha at ilang bagsak ng pamukpok na kahoy napunit din ang balat. “Medyo makunat ka na ah. Hala iluwa mo na ang dahon ng bayabas at itapal mo sa sugat ni Dayunyor mo”. “Hanap ka ng damo, tapos hilahin mo’, utos pa ni niya.
Ganun din ang ginawa niya sa dalawa kung kasama.
Nang tapos na silang lahat, tinanong ni Mang Henry sa kanila kung ba’t ako raw hindi nagpatuli. Sagot ng isa kong kaibigan, ” Sa doktor daw yan magpapatuli”. Tuwing summer vacation, may Medical Mission na nagaganap sa aming bayan. Mga doktor na galing pa sa iba’t-ibang hospital sa Kamynilaan.
Balik tayo sa tabing-dagat. “Pareho lang naman ‘yun eh, ilang taon ka na ba?”, tanong ni Mang Henry. “Labing-isang taon na po”, sagot ko naman. Sabi nya pwede na raw, tapos sulsol pa tatlo kong kasamahan. Ayun napapayag ako. Sa isip-isip ko, patay si dayunyor at lalo na sa bahay pero bahala na nga.
Ginaya ko ang pinagawa sa mga kasamahan ko at eto na. “O sa taas ka lang tumingin huh, huwag mong pagmasdan”, ang utos niya. Dalawang pukpok tapos na. Tiningnan ko marami dugo,parang umikot ang paningin ko. Napansin niya na namumutla na ako, inutusan niya ang mga kasama ko na pumitas ng dahon ng kalamansi at dali-daling pinaamoy sa akin. Mga limang minuto rin siguro bago ako mahimasmasan.
Nang maayos na pakiramdam ko, inutusan kami ni Mang Henry na maligo sa dagat. Inabot ng kaibigan ko ang bayad na dalawang kaha ng sigarilyo at nagpasalamat sa kanya. At kami’y umuwi na parang mga Hapones maglakad. Pagdating ng bahay sangkatutak na sermon ng Nanay ko ang sumalubong sa akin na pumasok sa kanang tainga at lumabas din sa kaliwa.
Naibahagi ko ito sa kadahilanang tuwing bakasyon ay maraming kabataan ang nagpapatuli. Bakit nga ba natin ginagawa ito? Eh marami namang bansa ang hindi gumagawa nito.
Sa mga kalalakihan… Sa palagay ninyo, kanino mas maganda magpatuli sa pukpok lang o doktor?
Ito po ang madilim na karanasan ni Dayunyor. Na kahit ano pa ang mangyari sa kanya, aalagaan ko siya habang ako’y nabubuhay.
Nagpapasalamat din ako sa kablogkadang si Kathysan kung hindi dahil sa kanya, hindi ko maisip na isulat ito. Muli maraming salamat. ![]()
